Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang 3,174 master boxes ng iligal at hindi rehistradong electronic cigarettes at vape products na nagkakahalaga ng humigit-kumulang p1 bilyon sa isang operasyon sa Navotas City noong Marso 21, 2026. Itinuturing ito bilang isa sa pinakamalaking vape seizures ng ahensya ngayong taon.
Ayon sa BOC, bunga ang operasyon ng intelligence report mula sa Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) tungkol sa isang bodega na hinihinalang imbakan ng mga produktong hindi dumaan sa tamang proseso at regulasyon. Matapos ang ilang araw na surveillance, naglabas ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order para mainspeksyon ang pasilidad.
Pinangunahan ng composite team mula sa CIIS-MICP, Enforcement and Security Service-MICP, Formal Entry Division, at Legal Service–Revenue Collection Monitoring Group ang implementasyon ng LOA, kasama ang tulong ng Philippine Coast Guard at pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya at mga opisyal ng barangay.
Pagpasok sa bodega, tumambad agad sa mga awtoridad ang napakalaking volume ng vape products na pinaghihinalaang misdeclared at ilegal na inangkat.
Lumabas sa paunang pagsusuri na hindi rehistrado ang mga produkto at walang Philippine Standard (PS) License o Import Commodity Clearance (ICC) — malinaw na paglabag sa Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act. Kabilang din ang ilang brand sa mga naka-subject sa suspension order ng Department of Trade and Industry (DTI).
Binibigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na kalakal at tiyaking protektado ang kalusugan ng publiko.
Inatasan naman ang mga kinatawan ng bodega na magsumite ng valid documentation sa loob ng 15 araw upang patunayan ang kanilang regulatory compliance. Kapag nabigong makapagsumite, awtomatikong isasailalim sa seizure at forfeiture ang mga produkto, at maaari ring madagdagan ng kaukulang kasong kriminal o administratibo.
Trending
- Men’s football team ng Iran tiniyak ang pagsali sa FIFA World Cup
- Rematch ni Charly Suarez at Navarrete nakatakda sa Setyembre
- MUP winner, proud sa baba na hawig daw kay Ai Ai
- Rosmar, nabuwisit, rumesbak kay Inah de Belen
- Fans ni Kim, umaalma kay Maja
- LeBron James nagtala ng record
- Khamzat Chimaev haharapin na si Sean Strickland
- Iran kinondena ni Tulfo sa pag-atake sa barko na may Pinoy seaman

