BINIGYAN ng parangal ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa prestihiyosong 27th Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) National Convention & Pearl Awards.

Mula sa kabuuang 606 na lokal na pamahalaang kalahok, itinanghal bilang Grand Winner ang Caloocan Cultural Affairs and Tourism Office (CCATO) sa kategoryang Best Tourism Promotions: Video at Best Tourism Month Celebration.

Sa ilalim ng pamumuno ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, Caloocan Cultural Affairs and Tourism Council Chairperson Aubrey Malapitan at CCATO Officer-in-Charge Carissa Camua-Policarpio, matagumpay na naisusulong ang mayamang kultura, kasaysayan, at turismo ng lungsod.

Kabilang sa mga taunang aktibidad na isinasagawa sa Caloocan ang Festiv-Aliwan, Arangkada Caloocan, Annual Caloocan Music Festival, Sustainable Tourism Livelihood Training, at Runway Caloocan.

Bukod pa rito, itinataguyod ng CCATO ang iba’t ibang inisyatiba upang maipakilala ang kultura, mga produktong lokal, malikhaing komunidad, at iba pang natatanging katangian ng Caloocan na layong makapagbigay ng makabuluhang karanasan sa mga turista at magbukas ng mga oportunidad para sa mga lokal na mamamayan.

“Bilang tahanan ng mga bayani, hindi lamang tayo nakikilala dahil sa mayamang kasaysayan ng ating lungsod, kundi maging sa iba pang aspeto, tulad ng mga aktibidad para isulong ang turismo, aktibong pagpapahalaga sa kultura at tradisyon, at pagpapalawak sa talento at pagkamalikhain ng mga kababayan natin,” ani Mayor Along Malapitan.

Ayon pa sa alkalde, ang pagkilalang ito ay patunay na wala mang dagat, wala mang gubat, panalo pa rin sa turismo ang Caloocan.

“Wala man tayong dagat o gubat pero maituturing na higit pa sa isang lungsod ang Caloocan dahil mayroon po tayong yaman ng kasaysayan, kultura, at puso ng mga Batang Kankaloo. Kaya sama-sama po nating suportahan, ingatan, mahalin, at pahalagahan ang sariling atin,” dagdag pa ni Mayor Along. (Edison de Jesus)

Share.