Nasa huling yugto na ng paghahanda ang Department of Education (DepEd) at Pamahalaang Panlalawigan ng Agusan del Sur para sa 2026 Palarong Pambansa, kasabay ng pagpapatupad ng mas mahigpit na safety at health protocols bago ang pagbubukas sa Mayo 24.
Ayon sa mga organizer, ilalagay sa late afternoon at evening hours ang mga laro upang maiwasan ang heat-related risks sa mga student-athlete.
Binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara na nananatiling prayoridad ang kapakanan ng mga atleta.
“Para sa DepEd, sa bawat Palaro, inuuna natin ang kaligtasan, kalusugan at kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Nakahanda ang ating mga sistema, katuwang ang lokal na pamahalaan, para makapaglaro sila nang may kumpiyansa at sapat na suporta,” aniya.
Magpapatupad din ng mas mahigpit na hydration measures at titiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa lahat ng venue.
Ayon kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr., higit 97 porsyento nang kumpleto ang infrastructure preparations matapos ang dalawang taong paghahanda. Dagdag pa niya, araw-araw ang pagdating ng mga kagamitan para sa mga laro at isasailalim ito sa dry run bago ang aktwal na kompetisyon.
Naka-activate din ang mga komprehensibong safety measures kabilang ang 24/7 police visibility, emergency medical teams at ambulansya, operational emergency operations center, at mga disaster preparedness simulation tulad ng fire at earthquake drills.
Ayon kay DepEd Caraga Regional Director Maria Ines Asuncion, ang paghahanda ng lalawigan ay nagtatakda ng mataas na pamantayan para sa mga susunod pang national sporting events.
Inaasahang dadalhin ng 2026 Palarong Pambansa ang mahigit 20,000 atleta, coaches, at opisyal mula sa 18 rehiyon sa buong bansa.

Share.