Isasama ng House prosecution panel sa kanilang mga ebidensiya ang mga asset ni Vice President Sara Duterte na hindi umano nito inilagay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) upang mapatunayan ang alegasyon ng unexplained wealth.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon sa kasama ang mga ari-ariang ito sa isusumite ng prosecution panel sa pre-trial brief sa Lunes, Hunyo 15.
“Bukod po doon sa mga bagong dokumento at witnesses katulad po na bank accounts nung mag-asawa ng Duterte-Carpio, may maaasahan po tayong pinakabagong ebidensya sa darating pong linggo. So, magandang sa pre-trial submission na lang po natin ito makita at ma-disclose. Pero I think this is almost the same magnitude as the bank accounts,” sabi ni Ridon.
Ipinaliwanag ni Ridon na isa sa mga basehan ng hindi maipaliwanag na yaman ang alegasyon na hindi idineklara ni Duterte ang lahat ng kanyang pagmamay-ari sa kanyang mga SALN.
“So katulad po ng bank accounts noon, meron pong ilang mga pag-aari na hindi po na-disclose sa kanya po nga Statement of Assets, Liabilities and Network over the course of all the years,” sabi ng solon.
Ayon kay Ridon ang naturang mga asset ay hindi natalakay sa impeachment proceedings ng House Committee on Justice.
“So, we will present it during trial proper and it will be disclosed to the public by the pretrial submissions and conference,” sabi pa ng mambabatas.
Sinabi ni Ridon na maaaring magpatawag ng mga saksi upang patunayan na si Duterte ang may-ari ng mga ito at ng evaluator kung kakailanganin na malaman ang halaga ng mga ito.
“Mga pag-aari po ito na nakalagay po sa mga listahan po ng opisina ng pamahalaan. Pero hindi po ito nalista sa kahit po ano sa mga Statement of Assets sa Liabilities Net worth document ng atin pong Pangalawang Pangulo,” sabi ng kongresista.
“These are personal properties, these are not real properties. But ito po ay papasok pa rin doon sa milyun-milyong pisong halaga. Lalo na at hindi naman ho ito isa o dalawa lang kundi numerous pieces of property,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Ridon na ang hindi pagdedeklara ng ari-arian sa SALN ang naging batayan ng conviction ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
“Bukod po dun sa halaga po niya, I think the more important point would be its non-disclosure, non-statement in the SALNs of the Vice President,” sabi ng solon.
“And to be clear, yan po yung isa sa naging batayan ng conviction ni dating Supreme Court Justice Renato Corona. Yan ganyang pong exact, specific non-disclosure ng pag-aari,” giit ni Ridon.

Share.