Itinulak ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang panukala na magbabawal at magpaparusa sa mga scalper na maituturing umano na garapalang pagkatuso, panloloko at panggagantso ng kapwa.
Ayon kay De Lima, layunin ng House Bill 9171 na mabigyan ng proteksyon ang mga konsumer para sa patas na access sa mga entertainment event ay ipagbawal ang ticket scalping o resale ng ticket na ang presyo ay mahigit 10% ng face value ng tiket ng walang wastong otorisasyon.
“We want to restore public trust and ensure that access to live events is determined by fairness rather than the ability of intermediaries to exploit demand for profit,” sabi ni De Lima.
“Hindi pwedeng hayaan lang ang labis na pananamantala ng scalpers. Kung hindi ito aaksyunan at papatawan ng mahigpit na parusa, titindi pa ang kanilang modus at mas marami pa silang mabibiktima – mga fans na mapipilitang bumili sa di-makatarungang presyo o mapagkakaitan ng oportunidad na mapanood ang kanilang mga hinahangaan dahil naubusan o dahil hindi kayang makabili ng mahal na ticket,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng HB 9171, ang parusa sa ticket scalping ay pagkakakulong mula anim hanggang tatlong taon at/o multa na nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P500,000.
“Malinaw po: Ang ticket scalping ay hindi maituturing na diskarte lang sa pagnenegosyo. Hindi ito dapat ipagkibit-balikat lang kung naa-afford naman ng pinagbebentahan. Isa itong garapalang pagkatuso, panloloko at panggagantso sa kapwa,” sabi ni De Lima.

Share.