Nagkasa ulit ang bansang North Korea ng “multiple ballistic missile launching,” batay sa inilatag na impormasyon ng karatig-bansa nitong Japan at South Korea.
Ayon sa mga ulat, isinagawa ang launching ng nabanggit na ballistic missiles sa east coast ng North Korea nitong Linggo, Abril 19.
Ikapitong tala na ito ng ballistic missile launch ng North Korea ngayong 2026, at ikaapat naman ngayong buwan ng Abril.
Base sa inilabas na pahayag ng militar ng South Korea, ni-launch ang missiles malapit sa siyudad ng Sinpo papunta sa east coast ng NoKor.
Batay naman sa bansang Japan, walang kumpirmasyon hinggil sa pagpasok ng nabanggit na missiles sa exclusive economic zone (EEZ) ng kanilang bansa.
Matatandaang kamakailan, nag-abiso na rin ng emergency alert ang Japan kaugnay sa isa pa ring ballistic missile na pinakawalan ng NoKor.
“[Emergency alert] North Korea has launched a suspected ballistic missile. More updates to follow,” saad ng opisina ni Japan Prime Minister Sanae Takaichi sa kanilang X post noong Miyerkules, Abril 8.

Share.