Inaalam pa ng Philippine National Police (PNP) kung mayroong kaugnayan sa malaking sindikato ang natukoy na ilegal na operasyon ng langis o ‘paihi’ na nadiskubre sa Navotas City at sa isang resort sa San Pablo City, Laguna.
Dahil dito, ipinag-utos ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng mga nasabing organisadong sindikato ng oil pilferage sa bansa.
Paliwanag ni Nartatez na ang mga nahuling ilegal na paihi ay maaaring parte ng mas malaking sindikato ng paihi sa bansa.
Matatandaang inaresto ng pulisya ang anim na katao sa loob ng isang hotel at resort compound sa San Pablo City, Laguna noong Miyerkoles, Abril 8, matapos silang mahuling umano’y nagsasagawa ng illegal na pag-iimbak ng petrolyo na labag sa Oil Pilferage Law habang nasa 500 litro ng fuel at iba pang kagamitan ang nasamsam sa mga ito.
Isang araw bago nito, siyam na katao rin ang naaresto habang 65,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P9.75 milyon ang nakumpiska sa isang raid sa Navotas Fish Port Complex sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City.
Ang mga insidenteng ito ay dagdag sa serye ng operasyon laban sa mga modus na sangkot sa pagre-recycle ng langis para muling ibenta nang hindi dumadaan sa legal na paraan sa gitna ng kakulangan sa suplay ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Share.