Nadismantle ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement units ang isang drug den, at naaresto ang tatlong sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya, Miyerkoles ng gabi, Marso 25, 2026.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng PDEA Nueva Vizcaya, katuwang ang PDEA Kalinga Provincial Office, Provincial Drug Enforcement Unit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (PDEU-NVPPO), PDEG-SOU 2, at Bayombong Police Station. Nahuli ang mga suspek na kinilala sa kanilang mga alyas na “Willy,” 47-anyos; “Jay,” 32-anyos; at “Cris,” 45-anyos, pawang residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang walong heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang walong gramo at tinatayang street value na P54,400.00.
Bukod sa pagkakaaresto ng mga suspek, nagresulta rin ang operasyon sa pagbuwag ng isang drug den na itinuturing na banta sa kapayapaan at kaligtasan ng komunidad.
Dahil sa agarang aksyon ng mga awtoridad, napigilan ang patuloy na pagkalat ng ilegal na droga at naprotektahan ang publiko, lalo na ang kabataan, laban sa panganib ng substance abuse.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs), 6 (Maintenance of a Drug Den), 7 (Employees and Visitors of a Drug Den), 11 (Possession of Dangerous Drugs), at 12 (Possession of Drug Paraphernalia) sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Share.