MAKALIPAS ang 12 taon, magpapaalam na sa Philippine Basketball Association (PBA) si ‘Muscle Man’ Vic Manuel.

Pagkatapos ng kanyang kontrata sa Terrafirma Dyip sa katapusan ng kasalukuyang buwan, nakatakda nang umanib sa Pangasinan Heatwaves ang 37-anyos na power forward sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na didribol na ang ikapitong season sa Marso.

Ayon kay Manuel, pinaghahandaan na kasi nito ang future niya sa pagko-coach.

“Ang akin lang is mas may chance ako na tutukan yung next phase ng career at buhay ko, iyung coaching,” ayon kay Manuel sa ulat na unang lumabas sa Spin.ph.

Si Manuel ay kasalukuyang assistant coach ng PSP Gymers sa MPBL sister league na WMPBL.

“Ako na rin kasi ang uupong coach noon kasi hindi na puwede si Terrence (Romeo). May live contract siya sa PBA, ako expired na at the end of the month,” ayon sa 6-foot-4 bruiser.

“Basta ako kasi ngayon, gusto ko pang lumaro. Pero gusto nang paghandaan ang future ko. So iyung opportunity na nasa harap ko ngayon, iyun ang nakikita kong best option ko ngayon,” sey nito.

Share.