Isang hinihinalang sentro ng online scam na umano ay pinatatakbo ng mga Chinese at Vietnamese national ang sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI), na nagresulta sa pagkakadakip at pagkakaligtas sa humigit-kumulang 200 dayuhan.
Kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag ang operasyon at sinabing nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang kanilang tanggapan upang matukoy ang mga nasa likod ng hinihinalang ilegal na aktibidad.
Inaalam din ng mga imbestigador ang posibleng pagkakasangkot ng mga dayuhang natagpuan sa lugar at kung sino sa kanila ang maaaring naging biktima ng operasyon.
Ayon sa NBI chief, maaaring sampahan ng mga kaukulang kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga indibidwal na mapatutunayang responsable sa computer-related fraud.
Nagbabala rin si Matibag na hindi titigil ang NBI sa pagtugis sa mga sangkot sa online scam at iba pang uri ng cybercrime.
Patuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang karagdagang detalye tungkol sa operasyon at pagkakakilanlan ng mga pangunahing suspek.(Danilo Gravador)

 

Share.