ARESTADO ang wanted na puganteng nahaharap sa dalawang bilang na kasong pagpatay sa Navotas City makaraang s matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Occidental Mindoro.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela sa Occidental Mindoro Provincial Intelligence Unit noong araw ng Lunes, Oktubre 19 nang matanggap ang positibong impormasyon na sa naturang lalawigan nagtatago ang 21-anyos na si alyas “Siyoktong” matapos mapatay ang dalawa niyang nakaaway na biktima sa Navotas City.

Matapos ang koordinasyon, isinagawa na ang pagsalakay noong gabi ng Lunes ng mga tauhan ng Intelligence Unit at Warrant and Subpoena Section ng Navotas Police Station, katuwang ng mga operatiba ng San Jose Municipal Police Station at Mamburao Municipal Police Station sa tinutuluyang lugar ng akusado sa Brgy. 4, San Jose, Occidental Mindoro na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Sinabi ni Col. Pinuela na inaresto nila si alyas Siyoktong sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Navotas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Roman Maria Melchora P. Lindayag-Del Rosario ng Branch 286 para sa dalawang bilang na kasong Homicide.

Ayon sa opisyal, nasa biyahe na pabalik ng Navotas Police Station ang mga operatibang nagsagawa ng operasyon, kasama ang nadakip na akusado para sa kaukulang dokumentasyon. (Edison de Jesus)

Share.