UMABOT na sa halos 300,000 sako ng bigas ang naipamahagi ng Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan katuwang ang pambasang pamahalaan mula buwan ng Mayo hanggang Oktubre.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang nasa vulnerable sector tulad ng Person With Disability (PWD), senior citizens na hindi pensyonado, mga minimum wage earner, seasonal ang kita, mga guro, mag-aaral, walang buwanang subsidiya at iba pang benepisyo mula sa lokal na pamahalaan.
Sa distribusyong ginawa araw ng Martes, Oktubre 20, 2026, nakasama ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang Unang Ginang Louise “Liza” Araneta- Marcos at Caloocan 1st District Congressman Oca Malapitan..
Sa ilalim ng Assistance to Indigent Individuals or Families – Food Assistance Rice Distribution Program (AIIF-FA-RDP) na pinopondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), tiniyak nito ang seguridad sa pagkain ng mga pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Siniguro rin ni Mayor Along Malapitan ang patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga mamamayan sa mga hamong pang-ekonomiya.
“Sisiguraduhin po natin na ang bawat tulong na ipinagkakatiwala sa ating ng pamahalaang nasyonal ay makakarating sa ating mga kababayan. Bukod sa mga ipinatupad nating programa sa gitna ng krisis sa enerhiya at krudo, patuloy po nating tinitignan kung ano pa ang mga maaari nating gawin para maibsan ang epekto ng krisis sa ating mga mamamayan,” ayon kay Mayor Along.
Samantala, nag-abot din ng mensahe ang Unang Ginang upang magbigay ng pag-asa at suporta sa mga mamamayan.
“Alam po natin na mataas ang presyo ng mga bilihin ngayon at marami sa kababayan natin ang nahihirapan. Ang mga bigas na ito po ay tulong natin sa inyo para makausad po tayo nang sama-sama,” ayon kay First Lady Liza Marcos. (Edison de Jesus)

