Pinuri ni Education Secretary Sonny Angara ang Philippine National Police (PNP) matapos ang mabilis na pag-aksyon laban sa mga indibidwal na umano’y nagpakalat ng pekeng banta online na nakaapekto sa seguridad ng ilang paaralan.
Ayon kay Angara, mahalaga ang pagtutulungan ng mga awtoridad, paaralan, magulang, at komunidad upang mapanatili ang ligtas na kapaligiran para sa mga estudyante at guro.
“Salamat sa PNP at sa ating security sector sa mabilis na pag-aksyon para matukoy at mapanagot ang mga nagpapakalat ng online threat sa ating mga paaralan,” ani Angara.
Kasunod ito ng serye ng operasyon ng pulisya na nagresulta sa paghahain ng mga kaso laban sa ilang suspek sa iba’t ibang lalawigan.
Sa Magalang, Pampanga, iniharap sa piskalya ang pitong 15-anyos na estudyante kaugnay ng umano’y post online na nagbabantang mananakit ng mga mag-aaral sa Tinajero National High School Annex.
Isang 18-anyos naman ang inaresto sa Jaen, Nueva Ecija matapos umanong magpakalat ng bomb threat laban sa ilang paaralan sa San Ildefonso, Bulacan. Nahuli rin ang isa pang 18-anyos na estudyante na umaming nag-post umano ng pekeng banta upang mapatigil ang klase sa San Felipe Integrated School sa Nueva Ecija.
Sa Tanza, Cavite, ipinatupad naman ang warrant to search, seize, and examine computer data laban sa isang babae kaugnay ng umano’y banta sa isang paaralan. Nasamsam sa operasyon ang 16 digital devices na isasailalim sa pagsusuri.
Ipinaalala ng Department of Education (DepEd) na may kaakibat na kriminal at administratibong pananagutan ang bomb threats, bomb jokes, at pagpapakalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng kaguluhan.
Hinimok ng DepEd ang mga magulang, guro, at publiko na maging responsable sa paggamit ng internet at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang online activity o banta sa seguridad.

Share.