Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na walang nakitang foul play sa pagkamatay ng 15-anyos na si alyas Sabel, na natagpuang bangkay sa loob ng isang pabrika sa Pasig City nitong Huwebes, Marso 26, 2026.
Ayon sa pulisya, ito ang naging resulta ng isinagawang forensic at backtrack investigation ng Pasig City Police matapos maiulat na nawawala ang dalagita sa loob ng limang araw.
Lumalabas sa imbestigasyon na posible umanong nagpakamatay ang biktima. Natunton ng mga awtoridad ang galaw ni Sabel bago siya nawala at nakumpirmang siya mismo ang bumili ng puting nylon rope sa isang hardware store sa Marikina City, na kalauna’y narekober sa pinangyarihan ng insidente.
Sinabi ng pulisya na walang indikasyon ng pakikipagbuno o partisipasyon ng ibang tao sa lugar kung saan natagpuan ang biktima, at ito ang naging basehan upang isantabi ang foul play.
Matatandaang nagdulot ng matinding atensyon ang kaso nang magsagawa ng paghahanap ang pamilya ng biktima. Noong Marso 18, opisyal na iniulat na nawawala si Sabel.
Makalipas ang limang araw, natagpuan ng mga operatiba ng Pasig City Police Station ang kaniyang mga labi sa loob ng isang pabrika na ilang kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan.
Kinumpirma ni Pasig City Police Chief PCOL Hendrix B. Mangaldan na positibong kinilala ng pamilya ang mga labi ng biktima.
Bagama’t isinara na ng pulisya ang anggulo ng foul play, muling umigting ang usapin sa social media hinggil sa kapakanan ng kabataan at kahalagahan ng suporta sa mental health.
Samantala, sa isang social media post noong Miyerkules, Marso 25, nagpahayag naman ng pagdadalamhati ang ama ng biktima na si alyas Jay-r..

Share.
Exit mobile version