Tahasang nangako si United States (US) President Donald Trump na magbibigay raw siya ng $5,000 sa bawat American adult kung mananalo at mananatili sa Kongreso ang Republican Party sa darating nilang eleksyon.
Tinukoy ni Trump ang dapat aniyang pananatili ng Republicans sa kapuwa House of the Representatives at Senado ng America sa darating na midterm eleksyon nila sa Nobyembre 2026.
Sa naging pahayag ni Trump sa ikinasang midterm convention ng Republican Party sa Dallas, Texas, noong Miyerkules, Setyembre 9, 2026, idiniin niyang gagawin umano nilang espesyal ang nakatakda nilang midterm elections.
Aniya pa, bagaman at hindi raw kasama ang pangalan niya sa darating na nilang halalan, hinikayat niya ang kanilang mamamayan na isiping parang nasa balota na rin daw siya.
“The midterms are not supposed to be won by the sitting president, and we’re going to change that, and we’ll make it even an even more important time in our country and presidency. It will be something very special. We have to do it,” pagsisimula niya.
Hiling pa niya, “So I’m asking you to pretend that I am on the ballot. I’m on the ballot. I’m on it. Just one more time.”
Pagtitiyak ni Trump, magbibigay raw siya ng $5,000 sa bawat US adults kung mananatili at mananalo ang inirerekomenda niyang partido, at hayaan daw ng mga tao na tapusin nila ang kanilang mga nasimulan.
“If the Republicans win the House of the Representatives and the United States Senate, both of them, I will issue a dividend to every adult citizen in the United States of America for $5,000,” aniya.
Dagdag pa niya, “And I’m asking you to let us finish the job we began with the greatest two years in the history of the presidency.”
Pagpapatuloy ni Trump, tila iiwanan daw ng alikabok ng US ang iba pang mga estado sa mundo sa darating pang mga henerasyon kung mananalo ang Republican Party.
“Vote Republican and we will leave the world in our dust for generations to come. There’ll be nothing like it. We’re right at that gate,” pagtatapos pa niya.
Samantala, batay rin sa ulat ng Associated Press (AP) News, tinatayang aabot umano sa mahigit $1 trilyon, nang may approval ng Kongreso ng US, ang magagastos ni Trump kung magkakatotoo ang kaniyang pangako.
