Naglabas ng show cause order ang Korte Suprema para kina Quezon City Rep. Bong Suntay at Atty. Ferdinand Topacio kaugnay sa umano’y malaswang pahayag nila laban sa magkapatid na aktres na sina Anne Curtis at Jasmine Curtis-Smith.
Sa isang per curiam resolution, ginawa ng Korte Suprema na pormal na kasong administratibo para sa disbarment ang usapin, matapos makita na maaaring nilabag ng dalawa ang ethical standards na inaasahan sa mga miyembro ng legal profession.
Nag-ugat ito sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Marso 3, 2026 kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Habang ipinagtatanggol ni Suntay si Duterte, gumamit siya ng halimbawa tungkol kay Anne upang ipaliwanag ang kanyang punto na hindi dapat maparusahan ang isang tao dahil lamang sa kanyang “imagination” o iniisip.
“Alam n’yo minsan, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na, nag-init talaga, na-imagine ko na lang kung ano’ng puwedeng mangyari pero siyempre hanggang imagination na lang ‘yon,” saad niya.
“Pero hindi naman siguro ako puwedeng kasuhan kung ano ang na-imagine ko eh,” dagdag pahayag pa ng kongresista.
Idinepensa ni Suntay ang kanyang naging komento at sinabing isa lamang itong analohiya at hindi dapat ituring na imoral o labag sa batas.
Lumawak pa ang isyu matapos namang ipagtanggol ni Topacio si Suntay sa isang programa sa radyo. Dito kinuwestiyon niya kung bakit nagpo-post ng mga larawan na naka-bikini sa social media ang mga babaeng artista, kabilang si Jasmine, at iginiit na natural lamang umanong pagnasaan ng mga lalaki ang mga ito.
Inamin din ni Topacio sa parehong programa na minsan niyang “pinagnasaan” ang dating Gabriela party-list representative na si Sarah Elago.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang mga abogado ay inaasahang magpakita ng mataas na antas ng moralidad at asal, sa publiko man o pribado, at hindi dapat gumawa ng mga kilos o pahayag na makasisira sa tiwala ng publiko sa propesyon.
Inutos ng Korte Suprema kina Suntay at Topacio na magsumite ng kanilang paliwanag sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng resolusyon kung bakit hindi sila dapat patawan ng pinakamabigat na parusa na disbarment o pagkasibak sa pagka-abogado.
Trending
- Ateneo , nag-sorry sa pamilya ng nasawing athletes
- Cebu City napiling host ng FIBA Women’s Asia Cup 2027, official logo inilabas na
- Pagkilala kina Eala, Obiena, at Yulo, inihain sa Senado
- Suntay, Topacio masisibak sa pagka-abogado sa Anne Curtis ‘nag-init’ isyu
- Resto inireklamo sa ‘dog meat’ menu
- Drug dealer patay sa police ops
- 2 stude sugatan sa rambulan
- Tennis academy itatayo sa CamSur Uptown
