Nasawi ang 48-anyos na security guard nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang nagmamaneho ng motorsiklo sa National Highway sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato, nitong Sabado, Agosto 8, 2026.
Kinilala ang biktima sa alyas na Julius, 48-anyos, may asawa, security guard na nakatalaga sa SUMEFRU, at residente ng Purok 2, Barangay Limuhay, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ang biktima ng kanyang kulay asul na Motoposh Pinoy 125 nang pagbabarilin umano siya ng dalawang suspek sa kurbadang bahagi ng highway sa Block 2, Barangay Ned.
Tatlong tama ng bala ang tinamo ng biktima—dalawa sa kaliwang bahagi ng likod at isa sa kaliwang braso—na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Ayon sa mga awtoridad, nakasuot ng itim na jacket at helmet ang mga suspek.
May ball cap din umano ang isa sa mga ito at may dalang berdeng sling bag.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang itim na Rusi motorcycle patungo sa hindi pa matukoy na direksyon, dala ang ginamit na baril.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala na umano’y mula sa caliber .45 pistol.
Dinala ang labi ng biktima sa isang funeral parlor sa Surallah para sa kaukulang pagsusuri at post-mortem examination.
Patuloy naman ang hot pursuit operation ng Lake Sebu Municipal Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril at patuloy na kinokolekta ang iba pang ebidensya na makatutulong sa imbestigasyon.
Isasampa ang kaukulang kaso laban sa mga suspek kapag nakilala at makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.
Trending
- Sotto ‘di kasama sa Asian Games sa Japan
- Jordan Clarkson proud pa rin kay Alex: “Queen Eala forever!”
- Dominican Republic wagi bilang Miss World 2026
- Lotlot de Leon ipinagpapasa-Diyos ang sigalot nila ni Ian
- Misis ni Baron Geisler may cryptic post
- SINUNTOK,MISIS DEDO KAY MISTER
- DAYA SA CASINO: 6 “GUILTY”
- TRUMP:$5,000 SA SENIORS
