Nilooban ang isang pawnshop ng nag-iisang armadong lalaki na nakatakas matapos tangayin ang mga alahas at armas ng security guard sa Barangay Tejeros Convention, Rosario, Cavite noong Linggo ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon ng Rosario Municipal Police Station, pumasok ang suspek sa Palawan Pawnshop na armado ng 9mm pistol at isang patalim, saka pinadapa ang security guard at sapilitang kinuha ang kanyang issued firearm.
Matapos nito, nagtungo umano ang suspek sa loob ng pawnshop at tinangay ang iba’t ibang jewelry items bago mabilis na tumakas.
Huling nakita ang suspek na patungo sa Gen. Trias Drive, direksiyon ng General Trias, Cavite.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at nagsasagawa ng follow-up investigation, kabilang ang pagtukoy sa posibleng mga CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
