Nailigtas ng human trafficking division ng National Bureau of Investigation ang isang siyam na taong gulang na nabiktima ng isang 33-taong-gulang na lalaki sa isang kaso ng online sexual abuse at exploitation sa Bulacan.

Ayon sa NBI, nagsimula ang imbestigasyon matapos mapansin ng ina ng bata na may kausap ang biktima gabi-gabi.

Nang suriin ang cellphone ng bata, natuklasan niya na nagpadala ang bata ng mga malalaswang larawan sa suspek.

Sinabi ng direktor ng NBI na si Melvin Matibag na umano’y gumamit ang suspek ng gadget para makipag-ugnayan sa bata at pagsamantalahan ang batang edad ng biktima.

Natuklasan ng NBI Human Trafficking Division na ang umano’y pagmamanipula ng suspek sa biktima ay nagsimula sa pamamagitan ng Facebook Messenger at nagpatuloy nang humigit-kumulang anim na buwan.

Sa panahong ito, napag-alamang nakuha ng suspek ang tiwala ng bata at kalaunan ay hinikayat ang biktima na magpadala ng mga malalaswang larawan at video.

Nakakita rin ang mga imbestigador ng mga mensahe na nagpapahiwatig na natatakot ang bata tuwing nagbabanta ang suspek na i-block sila.

Sinabi ni Rosalie Laguardia, hepe ng NBI Human Trafficking Division, na ang umano’y pgmamanipula ay nangyari sa loob ng halos anim na buwan ng komunikasyon.

Nasamsam ng mga awtoridad ang mga elektronikong gadget, na ngayon ay sumasailalim sa forensic examination upang mangalap ng karagdagang ebidensya, matukoy ang lawak ng mga umano’y pagkakasala, at matukoy kung may iba pang mga biktima.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa batas na Anti-Online Sexual Abuse o Exploitation of Children.

Pinaalalahanan ng NBI ang mga magulang na manatiling mapagmatyag tungkol sa mga aktibidad online ng kanilang mga anak.(Danilo Gravador)

Share.
Exit mobile version