ISANG malaking suntok sa buwan ang planong isakatuparan ni dating four-division world titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire – ang trilogy sa undefeated at two-time undisputed champion Naoya “The Monster” Inoue.

Matatandaang dalawang beses nang nabigo ang 42-anyos na tubong Talibon, Bohol kontra sa Japanese boxer, kung saan sa huling pakikipagsagupa ay nagtapos sa kalunos-lunos na second round stoppage sa Saitama, Japan noong 2022 matapos itong gulpihin, na malayo sa kanilang unang paghaharap na minsang ginawarang “Fight of the Year” noong Nobyembre 7, 2019.

“I want another dance with ‘The Monster,’” bulalas ni Donaire.
Maituturing na isa sa mga pinakamalaking laban ni Inoue ang tapatan kay Donaire na nagbigay rito ng matinding pagsubok, kung saan nagawang paduguin ni Donaire ang ilong at mabasag ang orbital bone ng Japanese boxer dahilan para magbigay ng malaking respeto sa Las Vegas, Nevada-based boxer.
Subali’t bago nito makamit ang inaasam na laban, kinakailangan muna nitong dumaan sa matinding pagsubok sa isa pang unbeaten na Hapon na si World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Junto Nakatani, na mayroon nang nakalinyang ‘super fight’ kay Inoue sa Tokyo Dome sa susunod na taon.

“But I’ve gotta get myself up there, you know I want to fight the champion in 118, Nakatani, and then maybe get an undisputed shot and take all the belts – and I know I can do it – when I go up and fight The Monster. This is the game plan that I’m foreseeing for myself,” matatag na pahayag ni Donaire, na minsang hinawakan nang sabay ang WBC at WBO 118lbs belt at ang WBO at The Ring junior featherweight belts.

Huling beses natunghayan sa isang laban si Donaire sa pagkatalo kay Alexandro Santiago noong Hulyo 29, 2023 sa 12-round unanimous decision para sa bakanteng WBC title, na kalauna’y inagaw ni Nakatani sa pamamagitan ng sixth-round technical knockout noong Pebrero 24, 2024 sa Kokugikan Hall sa Japan.
Pilit ibinabalik ng 5-foot-7 Filipino-American ang oras ng kanyang dominasyon na minsang lumikha ng 30 sunod na panalo noong kasagsagan ng kanyang kabataan matapos hamunin sina dating world titlist at future Hall of Famers Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua at Juan Francisco Estrada ng Mexico.

“For, like, a year and a half, we’ve been planning to get a fight with Chocolatito and Estrada and all of those guys. You know, there were talks here and there. But when it came down to finalizing it, they opted to step out and not fight me. So that’s the unfortunate thing,” eksplika ni Donaire.

“Now I’m just trying to create a fight for myself to get in the ring. Man, that’s the main goal right now – to get in the ring.”

Share.
Exit mobile version