Nasawi ang 63-anyos na babae at sugatan ang kanyang 26-anyos na anak nang pagbabarilin sa Barangay Poblacion, Makati City nitong Lunes ng gabi, Agosto 3.
Ayon sa Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente dakong alas-6:46 ng gabi sa Makati Avenue corner Durban Street.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, pinagbabaril umano ang mag-ina ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng puting damit, maong shorts, at puting sapatos. Agad namang tumakas ang suspek matapos ang insidente.
Isinugod sa ospital ang dalawang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang 63-anyos na babae. Patuloy namang ginagamot sa Makati Medical Center ang kanyang anak na nagtamo ng tama ng bala.
Bumuo na ang SPD ng Special Investigation Team upang tutukan ang imbestigasyon, pangangalap ng ebidensya, at pagtugis sa suspek.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, motibo sa pamamaril, at iba pang detalye ng insidente.
Nanawagan naman ang SPD sa mga nakasaksi o may hawak na CCTV o dashcam footage na makipag-ugnayan sa Makati City Police Station upang makatulong sa imbestigasyon.
===

Share.
Exit mobile version