Nasawi ang mag-asawa nang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa bayan ng San Andres, Quezon.
Sa ulat, naganap ang insidente 4:40 ng hapon nitong Lunes sa kahabaan ng national road sa Sitio Dao, Brgy. Talisay.
Kinilala ang mga biktima na si Jerry Banquiles at asawa nito na si Baby “Ayeng” Banquiles.
Sakay umano ng isang motorsiklo ang mga biktima at patungo sa bayan nang bigla silang sabayan ng mga suspek na nakasakay din sa motorsiklo.
Habang tumatakbo, walang habas na pinaputukan ang mag-asawa na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na nasawi ang lalaking biktima sa pinangyarihan ng krimen, habang isinugod pa sa Rural Health Center ang kanyang asawa ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin na kapwa nakasuot ng jacket, naka-helmet, at may takip ang mukha sakay ng itim na motorsiklo patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at ang pakikipag-ugnayan sa mga residente para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang motibo sa krimen.
Samantala, nananawagan ng hustisya ang pamilya ng mga nasawi.

Share.
Exit mobile version