Nasawi ang isang lalaki matapos mahulog sa bukas na kanal habang naglalakad sa binahang kalsada sa Angeles City, Pampanga.
Batay sa CCTV footage na iniulat ng CLTV36, makikitang naglalakad ang lalaki na nakapayong sa gilid ng binahang bahagi ng Fil-Am Friendship Hi-Way sa Barangay Cutcut. Bigla na lamang siyang nawala matapos mahulog sa isang open drainage.
Nangyari umano ang insidente dakong alas-3 ng hapon noong Biyernes, Agosto 28.
Agad namang sinaklolohan ng ilang taong nasa lugar ang lalaki.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), narekober ang lalaki sa ilalim ng tulay sa harap ng Mansfield Residences sa Barangay Sto. Domingo.
Dinala umano siya sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center ngunit idineklarang nasawi.
