Pinag-aaralan ng Malacañang ang panukalang pagpapatupad ng price freeze sa mga produktong petrolyo kasunod ng pangamba sa epekto ng tensyon sa Middle East sa suplay at presyo ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tinitiyak ng pamahalaan na magiging balanse ang anumang hakbang upang maprotektahan ang kapakanan ng publiko at ng oil industry.
“Hindi po natin sinabing hindi magpa-price freeze. Ang sabi po natin, aaralin po ito (We are not saying that a price freeze will not be implemented. What we are saying is that it will be studied),” ani Castro.
Pahayag ito ni Castro kaugnay ng mga tanong sa desisyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. na magdeklara ng state of national energy emergency sa halip na mas malawak na state of emergency dahil sa sigalot sa Gulf region.
Binigyang-diin ni Castro na layunin ng pamahalaan na maiwasan ang negatibong epekto sa anumang sektor.
“Ito po ay babalansehin at kung ano ang nararapat para po hindi lang isang sektor ang maaapektuhan (This will be balanced based on what is appropriate so that not only one sector will be affected),” aniya.
“Balanse para sa oil industries, balanse para sa taong bayan. So, hindi po natin sinasabing hindi magpa-price freeze. Pero ito po ay inaaral (There should be balance for the oil industry and balance for the public. So, we are not saying that a price freeze will not be implemented, but it is being studied),” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Castro na mahalaga ang deklarasyon ng energy emergency upang matugunan ang mga aberya sa pandaigdigang suplay ng langis na nakaapekto sa availability at presyo ng fuel sa bansa.
Iginiit niya na nananatiling maagap ang pamahalaan sa pagtugon sa sitwasyon at titiyakin na ang lahat ng hakbang ay naaayon sa batas.
“At maaari pong magsagawa ang ating pamahalaan ng kanilang katungkulan nang hindi lalabag sa batas. Ma-unlock natin ang mga funds na dapat natin magamit nang naaayon din sa batas,” ani Castro.

Share.
Exit mobile version