SUPORTADO ni Navotas Representative Toby Tiangco ang pagbubunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa anomalya sa mga programa ng flood control ng ating bansa.
Iniutos ni Pangulong Marcos na imbestiagahan ang 6,021 proyekto na nagkakahalaga ng mahigit ₱350 bilyon—o higit 60% ng kabuuang bilang ng mga proyekto dahil kulang sa mga pangunahing detalye na ikinabababala ni Tiangco.
Nilinaw ni Tiangco na hindi lamang nakakabahala bagkus ito ay hindi katanggap-tanggap.
“Mas nakagugulat pa ang katotohanang 15 kontratista lamang ang nakakorner ng 20% ng kabuuang ₱545 bilyong badyet, na nagpapataas ng seryosong mga tanong ukol sa patas na proseso, transparency, at posibleng katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyekto,” wika ni Tiangco.
“Bilang Kinatawan ng Navotas, isang lungsod na nasa ilalim ng elebasyon ng sea level, alam ko mismo ang bigat ng sitwasyon. Tinitiis ng ating mga kababayan ang pagtaas ng tubig, pagkasira ng mga tahanan, pagkaantala ng kabuhayan, at panganib sa kalusugan at kaligtasan. Ang bawat pisong nasasayang o maling nagagamit sa flood control ay isang pagtataksil sa mga komunidad na tulad ng sa atin”, pagdidiin ni Tiangco.
Buong suporta ako sa direktiba ng Pangulo na i-audit at linisin ang mga programang ito, at hinihikayat ko ang lahat ng ahensya, kontratista, at lokal na opisyal na makipagtulungan agad-agad. Ang paglulunsad ng “sumbongsapangulo.ph” ay isang positibong hakbang na nagbibigay kapangyarihan sa mamamayan upang magsalita, at hinihikayat ko ang mga Navoteño na gamitin ito nang lubos upang iulat ang anumang iregularidad na kanilang nasasaksihan., “ dagdag ni Tiangco.

Share.
Exit mobile version