Kulong ang isang delivery rider dahil sa panghoholdap sa isang burger stand sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City. Ang suspek, aminado sa ginawang krimen dahil baon daw sa utang.
Ayon sa ulat, nakuhanan ng CCTV footage ang pagdaan ng isang motorsiklo sa E. Rodriguez Avenue 2:00 ng madaling araw noong Biyernes.
Sunod na siyang namataan sa CCTV camera na lumiko sa Balete Drive matapos na gawin ang krimen.
Ang 34-anyos na babaeng empleyado ng burger stand na hinoldap, labis na trauma ang naranasan.
Aniya, umorder muna ang suspek ng dalawang burger bago nagdeklara ng holdap.
Halos P5,200 na kita ng burger stand ang natangay ng suspek na ibabawas umano sa sahod ng babae.
Nasundan ng pulisya ang suspek sa ginawa nilang backtracking sa mga CCTV camera, hanggang sa pagtigil nito sa isang tindahan sa Marikina.
Gayunman, natuklasang peke ang plaka ng sinakyan niyang motorsiklo, batay sa beripikasyon ng pulisya sa LTO.
Nadakip ang 42-anyos na suspek nitong Martes sa San Jose del Monte, Bulacan nang dumalo sa kaarawan ng kaanak.
Nabawi rin ang gun replica, motorsiklo, at mga pekeng plaka.
“Sabi niya is baon siya sa utang dahil sa online gambling. Ang modus niya is lilibot-libot muna kasi nga nagdi-deliver siya. ‘Pag talagang okay na holdapin, tsaka niya tutuluyan. Bumira na sila sa Cainta, sa Marikina, sa QC,” sabi ni Aguilar.
Nasa kustodiya na ng Galas Police ang suspek, na umamin sa krimen.
Batay sa record ng pulisya, dati nang nahuli ang suspek sa Bulacan dahil sa pagnanakaw.
Maharap naman ang suspek sa reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

====

Share.
Exit mobile version