Napatay sa saksak ang isang biyuda ng kanyang kapitbahay na babae na nang-agaw ng kanyang sling bag na may lamang P12,500 cash sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Purok 5 sa Barangay Rosary Heights 9 sa Cotabato City nitong hapon ng Martes, August 11.
Sa ulat nitong Miyerkules ng Cotabato City Police Office, nadeklarang dead on arrival ng mga doctor sa Cotabato Regional Medical Center ang 61-anyos na biktimang si Lumbay Malo Dalmaob kung saan siya dinala ng mga pulis at barangay officials na nagresponde sa insidente.
Agad namang naaresto ng mga pulis at mga barangay officials si Normina Vicente Ramalan, 20-anyos, na nakapatay sa biktima at tumangay ng kanyang sling bag na may lamang pera at isang gintong singsing.
Ayon kay Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, positibong kinilala ng mga residente ng Purok 5 sa Barangay Rosary Heights 9 si Ramalan na siyang responsable sa pagpatay kay Dalmaob sa loob mismo ng kanilang bahay sa naturang lugar.
Agad naming umamin, sa harap ng mga barangay officials, si Ramalan sa nagawang krimen sanhi ng pangangailangan sa pera.
Nakadetine na sa isang police detention facility si Ramalan, nahaharap na sa mga kaukulang mga kaso.

Share.
Exit mobile version