Bahagyang bumaba sa 5.0 porsyento noong Marso 2026 ang unemployment rate sa Pilipinas mula 5.1 porsyento noong Pebrero, sa kabila ng epekto ng tumataas na presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Philippine Statistics Authority. Katumbas ito ng humigit-kumulang 2.58 milyong Pilipinong walang trabaho.
Ayon kay National Statistician and Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa, hanggang sa ngayon ay sektor lamang ang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina at wala pang kumpletong datos kung gaano kalawak ang epekto nito sa buong labor market.
Ipinunto ni Mapa na posibleng naapektuhan ang pangingisda at aquaculture kung saan nawala ang humigit-kumulang 420,000 trabaho mula buwanan. “Ito yung mga mangingisda natin nasa municipal fisherfolks. So sila yung gumagamit ng diesel din, so may kasi kanila kasi nabawasan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Nilabas rin namin yung value production and agricultural fisheries, at nakita natin itong fisheries production ay bumaba sa first quarter 2026 vs. 2025.”
Nabawasan din ng halos 300,000 trabaho ang “other service activities” kung saan humigit-kumulang 250,000 ay mga kasambahay. Ayon kay Mapa, maaaring indikasyon ito ng pagtitipid ng mga sambahayan. “Yung mga households natin pwede nagtitipid kaya they let go of some domestic helpers,” aniya.
Sa kabilang banda, tumaas ang trabaho sa agrikultura at forestry ng 486,000, construction ng 184,000, at edukasyon ng 142,000.
Sa year-on-year na datos, higit kalahating milyon ang nadagdag na trabaho sa transportasyon at storage na binubuo ng delivery, warehouse, at logistics-related jobs. Tumaas din ng 458,000 ang administrative at support services, lalo na sa mga call center at BPO industry sa voice at non-voice operations.
Ayon kay Mapa, ang datos sa Abril na ilalabas sa susunod na buwan ay magbibigay ng mas malinaw na larawan kung gaano kalaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa employment.
Iniulat naman ng Department of Economy, Planning, and Development na umabot sa 5.3 porsyento ang year-to-date unemployment rate, na lampas sa target ng pamahalaan na 4 hanggang 5 porsyento.
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, magpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatili ang trabaho, palakasin ang social protection, at pagandahin ang job-skills matching, lalo na para sa mga apektado ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Trending
- Men’s football team ng Iran tiniyak ang pagsali sa FIFA World Cup
- Rematch ni Charly Suarez at Navarrete nakatakda sa Setyembre
- MUP winner, proud sa baba na hawig daw kay Ai Ai
- Rosmar, nabuwisit, rumesbak kay Inah de Belen
- Fans ni Kim, umaalma kay Maja
- LeBron James nagtala ng record
- Khamzat Chimaev haharapin na si Sean Strickland
- Iran kinondena ni Tulfo sa pag-atake sa barko na may Pinoy seaman
