Ipinatawag ni Governor Sol Aragones ang dalawang sakay ng ambulansya ng Kapitolyo ng Laguna na hindi nakaresponde sa isang nadaanan nilang aksidente.
Ayon sa dalawa, may travel order sila noon para ipagawa ang sasakyan, kaya hindi kumpleto ang gamit at hindi rin sila trained para mag-responde.
Nitong Huwebes, pinaharap sila ng gobernadora para magpaliwanag.
Ayon sa dalawa, bumaba naman daw sila sa lugar ng aksidente pero nakita nilang walang malay ang pasyente kaya nag-decide silang huwag nang galawin ang biktima dahil baka may bali at baka mas lumala pa ang kalagayan nito.
Wala raw isang minutong nakalipas nang dumating ang rescue team ng Magdalena.
Pero hindi kuntento sa paliwanag na ito si Governor Aragones.
Ayon sa gobernadora, kapag ambulansya ang nakikita ng publiko, ang expectation ay reresponde ito at magliligtas ng buhay.
Sinabi rin niyang kung alam ng mga sakay na hindi nila kaya, dapat tumawag kaagad sa Operation Center para humingi ng backup.
Humingi naman ng pasensya ang dalawa kay Governor Aragones at inaming nagkamali sila.
Willing daw silang tumulong kaya lang hindi sapat ang kakayahan nila nung oras na iyon para sa kondisyon ng pasyente.
Sa huli, nagbabala ang gobernadora. Bawal nang gamitin ang ambulansya ng probinsya sa anumang bagay maliban sa tunay na emergency at bawal sakyan ng sinumang hindi health practitioner na trained sa pagsalba ng buhay.
Bawal ding gamitin sa swimming, outing, o anumang personal na lakad, kahit pa ng Kapitolyo.
Lahat ng personnel ay kailangang mag-training at sino mang lumabag ay paparusahan.
Paiimbestigahan pa rin ni Aragones ang buong insidente para lumabas ang katotohanan at matuto mula dito ang lahat.
Malinaw ang mensahe ni Aragones, ang ambulansya ay para sa pagliligtas ng buhay, at walang excuse ang hindi pagreresponde.

Share.
Exit mobile version