Hongkong, China— Nakamit ni FIDE Master (FM) Roel Abelgas ng Pilipinas ang pangalawang pwesto sa Asian Amateur Chess Championships 2025.
Si Abelgas ay nagtala ng limang panalo at apat na tabla sa pagtatapos ng FIDE Standard tournament sa ilalim ng 2300 kategorya na nagtapos noong nakaraang Sabado, Agosto 9, 2025.
“Isang karangalan na kumatawan sa ating bansa,” wika ni Abelgas, ang head coach ng sikat na Dasmariñas Chess Academy sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Jenny Barzaga.
Tinalo ni Abelgas si Yegeon Kim ng South Korea (Round 1), FIDE Master Zhuban Bigabylov ng Kazakhstan (Round 2), Junyu Zuo ng China (Round 3), R Sham ng India (Round 6), at FIDE Master Christian Mark Daluz ng Pilipinas (Round 9).
Nahati niya ang puntos sa naging kampeon na si FIDE Master Khishigbat Ulziikhishig ng Mongolia (Round 4), Yuyang Wei ng China (Round 5), FIDE Master Ekaterina Borisova ng Russia (Round 7) at FIDE Master Ganbat Tenguundalai ng Mongolia (Round 8 ).
Si FM Ulziikhishig (7.5 puntos) ang nag-uwi ng gintong medalya at ang pangunahing premyo na 12,000 Hongkong Dollar, si FM Abelgas (7.0 puntos) ay nagwagi ng pilak na medalya at ang runner-up na premyo na 10,000 Hongkong Dollar habang ang isa pang kalahok na Pilipino na si FIDE Master Alekhine Nouri (6.5 puntos) ay nakuha ang tansong medalya at ang ikatlong premyo na 8,000 Hongkong Dollar.
Nanguna naman sina Jan Clifford Labog at Paul Christian Barroga sa Under 2000 at Under 1700 divisions, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang mga manlalaro ng Pilipino na nakapasok sa top 10 ay sina FM Daluz (ika-10 pwesto, Under 2300 category), Irwin Aton (ika-7 pwesto, Under 2000), Aaron Aton (ika-8 pwesto, Under 2000), Emir Gamis (ika-2 pwesto, Under 1700), Djon Carlos Francis Cortes (ika-3 pwesto, Under 1700), at Mark Vincent Nuella (ika-7 pwesto, Under 1700).
Si Jose Piff Caumban ay nagtapos sa ika-11 pwesto sa Under 1700 category.
Samantala, dumalo si Consul General Romulo Victor M. Israel Jr. sa seremonya ng paggawad upang magbigay suporta sa mga atletang Pilipino. (Marlon Bernardino)

Share.
Exit mobile version