Nasawi ang dalawang lalaki at dalawa pa ang sugatan nang sumalpok ang isang mabilis na motorsiklo sa nakaparadang 14-wheeler trailer truck sa bahagi ng Sumulong Highway, Barangay Mayamot, Antipolo City nitong Martes ng madaling araw, Setyembre 8.
Wala pang nakuhang anumang identification card ang mga awtoridad mula sa mga labi ng nasawing rider at angkas nito. Isinugod naman sa The Medical City ang negosyanteng nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan, habang dinala sa Philippine Orthopedic Center ang kaniyang empleyado dahil sa tinamong bali sa kanang binti.
Nangyari ang insidente 1:15 ng madaling araw sa tapat ng isang bodega habang nagbababa ng mga UPVC door ang trailer truck. Nakatigil sa outer lane ang truck simula pa noong 11:00 ng gabi ng Lunes, Setyembre 7, at nakabukas ang hazard lights nito.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, unang nabangga ng humaharurot na motorsiklo ang negosyante habang nagsu-supervise sa kaniyang mga tauhan sa likuran ng container van. Sa lakas ng impact, tumilapon ang negosyante at tumama sa isa pa niyang tauhan bago tuluyang sumalpok nang diretso ang motorsiklo sa kaliwang bahagi ng likod ng truck.
Ani Viñas, naka-helmet naman ang magkaangkas ngunit hindi agad matukoy kung nakainom ang mga ito.
Ipinahayag naman ng nakakitang katrabaho ng mga sugatan na si Christian Daryl Santos na mabilis ang takbo ng motorsiklo bago ang insidente.
Nasa kustodiya na ng Antipolo Component City Police Station ang driver ng trailer truck ngunit tumanggi muna itong magbigay ng pahayag.
Posible itong maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries habang patuloy ang pagkalap ng awtoridad sa mga kuha ng CCTV sa lugar para sa karagdagang imbestigasyon.
Trending
- Sotto ‘di kasama sa Asian Games sa Japan
- Jordan Clarkson proud pa rin kay Alex: “Queen Eala forever!”
- Dominican Republic wagi bilang Miss World 2026
- Lotlot de Leon ipinagpapasa-Diyos ang sigalot nila ni Ian
- Misis ni Baron Geisler may cryptic post
- SINUNTOK,MISIS DEDO KAY MISTER
- DAYA SA CASINO: 6 “GUILTY”
- TRUMP:$5,000 SA SENIORS
