Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na magpapataw ng hanggang 12 taong pagkakakulong at multang P2 milyon sa mga magpapakalat ng mga maling impormasyon na magdudulot ng pinsala sa publiko o seryosong banta sa pambansang seguridad.
Ang panukalang Digital Media Anti-False Information Act (House Bill 9465), na bahagi ng priority legislative agenda ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), ay inaprubahan sa pamamagitan ng viva voce voting sa sesyon ng plenaryo Martes ng gabi.
Iginiit ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, isa sa may-akda ng panukala, ang kahalagahan na maipasa ang HB 9465 at pinasalamatan si Speaker Faustino Dy III sa pagsuporta sa panukala.
“Sa panahon ngayon na ilang segundo lang ay puwede nang kumalat ang maling impormasyon, kailangan ding maging mabilis at malinaw ang proteksiyon ng Estado laban sa disinformation na may tunay na pinsalang dulot sa publiko at pambansang seguridad. Ang layunin ng panukalang ito ay hindi patahimikin ang kritisismo kundi panagutin ang sadyang panlilinlang,” sabi ni Marcos.
“Hindi dapat maging sandata ang fake news para manlinlang, manira, o maghasik ng takot at kaguluhan. Kasabay ng pagprotekta sa freedom of expression ay ang pagtitiyak na may pananagutan ang mga sadyang nagpapakalat ng mapanirang kasinungalingan,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng panukala, mapaparusahan lamang ang mga taong sadya at kusang naglalathala, nagpapakalat, nagpopondo, nag-uutos, o tumutulong sa pagpapakalat ng maling impormasyon, na may aktwal na kaalaman na ito ay hindi totoo o may pagwawalang-bahala sa katotohanan, na ang layunin ay magdulot ng mapapatunayang pinsala sa publiko o seryosong banta sa pambansang seguridad.
Saklaw ng panukala ang coordinated inauthentic behavior networks, troll farms, bot networks, fake account networks, at mapanlinlang na digital operations na naglalayong manipulahin ang pampublikong diskurso, linlangin ang publiko, at magdulot ng kongkretong pinsala o panganib sa pambansang seguridad.
Kasama rin sa saklaw ng panukala ang synthetic o materially manipulated media, kabilang ang mga larawan, video, at audio na nilikha o binago gamit ang artificial intelligence (AI).
Pinaparusahan din ng panukala ang mga secret operation na suportado ng dayuhan, kabilang ang pagpapalaganap ng maling impormasyon para paboran ang ibang bansa na nagdudulot ng seryosong banta sa pambansang seguridad.
Ipinagbabawal din nito ang pagpapanggap bilang mga ahensya ng gobyerno, election bodies, emergency-response authorities, mga hukuman, law enforcement agencies, public-health authorities, educational institutions, media organizations, o tunay na tao upang magpalaganap ng disinformation na nagdudulot ng pampublikong pinsala o nagbabanta sa pambansang seguridad.
Sinabi ni House Committee on Public Information chairperson at Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan, ang sponsor ng panukala, na hindi pinaparusahan ng HB 9465 ang mga opinyong pampulitika, pagpuna sa gobyerno, pagpuna sa mga opisyal ng gobyerno o kandidato, satire, journalistic inquiry, investigative reporting, editorial judgment, whistleblowing, public interest advocacy, commentary, opinion, academic discourse, artistic expression, at religious expression.
Nakasaad din sa panukala na hindi mapaparusahan ang simpleng pag-like, pag-share, pag-forward, o pagre-repost ng content maliban kung mapapatunayan na ang gumawa nito ay bahagi ng operasyon upang makapagdulot ng kaguluhan at bansa sa seguridad ng bansa.
Trending
- Ateneo , nag-sorry sa pamilya ng nasawing athletes
- Cebu City napiling host ng FIBA Women’s Asia Cup 2027, official logo inilabas na
- Pagkilala kina Eala, Obiena, at Yulo, inihain sa Senado
- Suntay, Topacio masisibak sa pagka-abogado sa Anne Curtis ‘nag-init’ isyu
- Resto inireklamo sa ‘dog meat’ menu
- Drug dealer patay sa police ops
- 2 stude sugatan sa rambulan
- Tennis academy itatayo sa CamSur Uptown
