Nasabat ng pulisya ang 115 motorsiklo, kabilang ang mga hinihinalang chop-chop units at iba’t ibang piyesa, sa isang checkpoint sa Barangay Lalig, Tiaong, Quezon noong madaling-araw ng Huwebes, Agosto 13.
Naharang ng 1st Quezon Provincial Mobile Force Company (1st QPMFC) at iba pang police units ang dalawang Isuzu dropside truck sa Border Control Point sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Ayon sa pulisya, unang pinara ang mga truck dahil sa mapanganib o hindi ligtas na pagkakarga ng mga motorsiklo.
Subali’t sa kasunod na beripikasyon, nabigo ang mga driver na magpakita ng mga kaukulang dokumento para sa mga sasakyan at kargamentong nakatakda sanang idala sa Mindanao.
Arestado ang anim na indibidwal kabilang ang dalawang driver at apat na pahinante, kung saan ang isa sa kanila ay naitatalang barangay tanod sa Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City. Dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa masusing imbestigasyon.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na inupahan ng mga suspek ang dalawang truck upang ihatid ang kabuuang 115 motorsiklo patungong Mindanao.
Kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad ang engine at chassis numbers, LTO records, pagmamay-ari ng mga motorsiklo, pinagmulan ng kargamento, at ang pagiging tunay ng ilang ipinresentang dokumento.
Posibleng maharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 (R.A. 10883), Anti-Fencing Law (P.D. 1612), at Land Transportation and Traffic Code (R.A. 4136), depende sa kalalabasan ng imbestigasyon.
Nakatakdang iharap sa Office of the Provincial Prosecutor sa Lucena City ang mga suspek para sa inquest proceedings, habang nananatili sa kustodiya ng 1st QPMFC ang mga nakumpiskang ebidensya at mga suspek.

Share.
Exit mobile version