Dahil hindi lamang umano ang transport sector ang apektado sa mataas na presyo ng langis, kundi maging ang mga pribadong motorista, iminungkahi ni House Committee on Labor and Employment chairman at Cavite Rep. Jolo Revilla bigyan din ang mga ito ng discount sa mga toll fee.
Ginawa ni Revilla ang mungkahi sa joint hearing ng 13 komite sa ilalim ng Legislative Energy Action and Development Council na binuo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III para hananap ng solusyon ang krisis na kinakaharap ng bansa.
“Hindi lang PUVs ang apektado ng mataas na presyo ng langis. Lahat tayo tinatamaan nito—lalo na ang ating middle class na araw-araw bumibiyahe at patuloy na pumapasan sa tumataas na gastusin,” ani Revilla.
Sa kasalukuyan ay binibigyan ng discount ang mga public utility vehicle (PUV) tulad ng mga traditional at modern jeepney, pampasaherong bus at freight vehicle sa gitna ng krisis sa langis na nararanasan ngayon ng bansa.
Ipinaliwanag ng mambabatas na maraming pribadong motorista ang gumagamit pa rin ng kanilang sasakyan sa pagpasok sa kanilang trabaho dahil sa kakulangan ng transport system sa bansa.
Dahil dito, apektado din ang mga ito sa mataas na presyo ng langis at nakakadagdag pa sa kanilang pasanin ang mga toll fees at mataas na presyo ng mga bilihin kaya sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez, na bukas sila sa mungkahi ng mambabatas.
“Mainit nating tinatanggap ang commitment ng DOTr na ipagpatuloy ang pag-uusap kasama ang toll operators. Mahalaga na agad itong maisakatuparan para maramdaman ng mas nakararaming Pilipino ang ginhawa,” ani Revilla.
“Hindi puwedeng paisa-isang solusyon lang. Kailangan sabay-sabay at magkakaugnay ang ating mga hakbang para talagang maramdaman ang ginhawa. Ang krisis sa langis at enerhiya ay walang pinipili. Kaya dapat ang solusyon ay inclusive at ramdam ng lahat—hindi lang ng iilang sektor,” dagdag pa ng mambabatas.
Trending
- Malnutrition sa mga bata pipigilan ng NEDAC
- Madriaga ‘di na ipapatawag ng Kamara
- ‘Di pagpapamartsa sa graduation dahil may utang ipagbawal
- Toll discount sa mga pribadong sasakyan iminungkahi
- Defensor kinumpirmang ‘plan B’ si Baste Duterte sa 2028 elections
- Suplay ng langis extended sa 64 araw
- Price cap sa imported na bigas ngayon Abril
- Jake Paul balik sa boxing
