BUMIGAT ang kaso ng 21-anyos na sugarol na kabilang tatlong lalaking nadakip sa ilegal na pagsusugal matapos mabisto ang dala niyang baril Linggo ng madaling araw sa Caloocan City.
Kasalukuyang nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth sa kahabaan ng Camarin Road, Brgy. 174 dakong alas-2:30 ng madaling araw nang ma-aktuhan nila ang grupo ng ilang kalalakihang nagsusugal ng cara y cruz malapit sa bahagi ng Cadena de Amor St.
Habang papalapit ang mga pulis, nagpulasan ng takbo ang mga kalalakihan kayat tatlo lamang, kabilang ang 21-anyos na lalaking may dalang baril, at dalawa pa na ang edad ay 29 at 33.
Ayon sa pulisya, nakuha nila sa suspek ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na burado ang serial number at kargado ng dalawang bala habang nasamsam din sa lugar ang tatlong barya na ginagamit bilang “pangara” at P800.00 na taya sa sugal.
Mahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa PD 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law habang karagdagang kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang 21-anyos na binate sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang Caloocan police sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkakakumpiska sa hindi lisensiyadong baril na posibleng magamit sa anumang iba pang uri ng krimen. (Edison de Jesus)
