Muling nagpalabas ng babala ang environmental group na Ban Toxics sa  publiko laban sa mga delikadong kemikal at banta sa kaligtasan na taglay ng ilang dekorasyon at  Christmas lights ngayong pumasok na ang “Ber” months at dagsa na ang mga palamuti sa merkado.

Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Thony Dizon, Advocacy and Campaign Officer ng Ban Toxics, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-inspeksyon sa label at kumpletong product information upang masuri kung ligtas ang mga ginamit na materyales at kung sumusunod ang produkto sa mga pambansang safety standards.

Partikular na winarningan ni Dizon ang mga mamimili laban sa pagbili ng mga substandard na  christmas lights dahil maaari itong mag-overheat at maging sanhi ng sunog sa mga kabahayan.

Nagpaalala rin ang opisyal na hindi lamang presyo o ganda ng disenyo ang dapat maging batayan sa pagbili, kundi dapat na laging hanapin ang kinakailangang Import Commodity Clearance (ICC) sticker o kaukulang product standard markings.

Hinihikayat din ng grupo ang publiko na umiwas sa mga produktong may hindi malinaw na pinagmulan o materyales na maaaring makapinsala sa kalusugan ng pamilya at sa kalikasan.

Dagdag pa ni Dizon, kahit sa mga maliliit o murang tindahan bumili ang mga mamimili dahil sa nakalaang budget, maaari pa rin silang maging mapanuri sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa label, pangkalahatang kondisyon, at safety markings ng produkto bago ito bayaran.

Share.