Tataas ang singil sa kuryente ng mga customer ng Manila Electric Co. (Meralco) ngayong Abril matapos ianunsyo ng power distributor ang dagdag na P0.53 kada kilowatt-hour (kWh) sa kanilang rates.
Ayon sa Meralco, ang pagtaas ng singil ay bunsod ng mas mataas na generation charge, na pangunahing naapektuhan ng patuloy na paghina ng piso laban sa US dollar.
Ipinaliwanag ng kumpanya na may direktang epekto ang galaw ng palitan ng piso at dolyar sa power costs, lalo na sa mga bayarin sa suppliers at generation expenses na naka-base sa dolyar.
Dahil sa rate hike, mas mataas na buwanang bayarin sa kuryente ang haharapin ng mga residential customer depende sa kanilang konsumo.
Para sa mga kabahayang gumagamit ng 200 kWh, aabot sa P107 ang dagdag sa bayarin. Ang mga kumokonsumo ng 300 kWh ay madaragdagan ng P160, habang ang mga gumagamit ng 400 kWh ay makakakita ng P213 na dagdag sa kanilang bill. Para naman sa mga kabahayang may 500 kWh na konsumo, aabot sa P267 ang itataas ng kanilang babayaran.
Ang pinakahuling adjustment ay dagdag-pasanin sa mga consumer na nahaharap na rin sa mataas na presyo ng iba pang pangunahing bilihin at serbisyo.
Dumarating din ito sa panahong karaniwang tumataas ang demand sa kuryente tuwing summer season, kung kailan mas madalas gamitin sa mga bahay ang mga cooling appliance gaya ng electric fan at aircon.
Nauna nang sinabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi lalampas sa P1 kada kWh ang anumang pagtaas sa Meralco rates ngayong Abril. Ang inianunsyong adjustment ng Meralco na P0.53 kada kWh ay nananatiling pasok sa itinakdang antas na ito.
Trending
- Men’s football team ng Iran tiniyak ang pagsali sa FIFA World Cup
- Rematch ni Charly Suarez at Navarrete nakatakda sa Setyembre
- MUP winner, proud sa baba na hawig daw kay Ai Ai
- Rosmar, nabuwisit, rumesbak kay Inah de Belen
- Fans ni Kim, umaalma kay Maja
- LeBron James nagtala ng record
- Khamzat Chimaev haharapin na si Sean Strickland
- Iran kinondena ni Tulfo sa pag-atake sa barko na may Pinoy seaman
