Mainit buong salpukan si Shevana Maria Nicola Laput nang iharurot ang De La Salle University kontra Ateneo De Manila University, 25-15, 25-14, 20-25, 25-19, sa 87th UAAP Women’s Volleyball Tournament 1st round elims nitong Miyerkoles ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.
Pumana siya ng 25 points sa likuran ng 19 attacks, tig-3 aces at blocks, upang buhulan ng Lady Spikers sa tersera ang bakanteng Far Eastern University sa 4-2 (win-loss) slate.
Ibinaon pa ng Taft-based squad ang mga baribal mula sa Loyola Heights sa ika-15 dikit na panalo na nagsimula pa sa 2017 Finals at masadlak sa 1-5, na nagpako rito sa pangpitopng puwesto sa walong pamantasang liga.
“Whether or not the other team has injured players, we still have to play with respect and pride [because]they are still Ateneo at the end of the day, and for our team just be true to ourselves and being authentic to ourselves, and played and stick to our system,” litanya ni Fil-Aussie Laput.
Paspasang sinakote ng DLSU volleybelles ang 1-2 frames, pero sa pag-iwas sa masaklap na sweep, humirit ang ADMU sa third saka tinapakan ng una ang silinyador upang tiyaking walang marathon game.
“Ni-remind ko lang sila na mangibabaw ang tibay ng dibdib, sa third set nagkaroon ng errors, may sumunod, may hindi naka-control sa sarili hangang sa tuloy-tuloy na. Sinabi ko lang na maniwala kayo sa kaya ninyong gawin,” hirit naman ni La Salle coach Ramil De Jesus.
May mahalagang papel din para sa mga alipores niya si team skipper Angel Anne Canino na umiskor ng 17 mula sa 13 kills at 4 blocks rekado sa 8 digs. May 12 pts. at 9 receptions si Allieah Malaluan at si Mikole Reyes naka-20 excellent sets.
Hindi naisalba ng combined 29 markers nina Lyann De Guman (16) at Alex Miner (13) ang paghaba sa tatlong semplang ng mga Atenista.