Tumakbo umano si Vice President Sara Duterte bilang running mate ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 elections matapos malaman na may plano ring tumakbo si Sen. Christopher “Bong” Go.
Ito ang sinabi ni dating Presidential Adviser for Political Affairs Jacinto Paras upang pasinungalingan ang pahayag ni Ramil Madriaga kaugnay ng term-sharing deal umano nina Marcos at VP Duterte.
Ayon kay Paras, itinulak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging running mate ni Marcos si Go, matapos umatras ang huli na maging presidential candidate.
“Ang feeling namin talaga Bong Go will win over Bongbong (Marcos Jr.). But bigla nalang naglaho dahil ayaw na ni Bong Go, nag-withdraw siya. So many were disappointed,” sabi ni Paras.
Kinausap umano ni Paras ang dating Pangulo kung maaari pang magbago ang isip ni Go pero ang sagot nito sa kanya ay “Hindi na siguro.”
“Sabi ko ‘Pano si Inday?’ Sabi niya, nagmura si Digong sabi niya ‘Pu… kasi itong’… Nagmura siya and he said na traydor kasi itong si Bongbong at tsaka si Martin [former Speaker Ferdinand Martin Romualdez]. We met one time tapos they betrayed us hindi na sila bumalik kasi sabi niya Bong Go wanted to run for vice president,” sabi ng mambabatas.
Noong panahong ito ay nakapaghain na umano si VP Duterte ng kanyang certificate of candidacy sa pagkamayor ng Davao City.
“It is within this period that I think President Duterte, Bong Go and some other guys met with Bongbong they wanted to request na mag-vice president si Bong Go pero after that meeting they were supposed to meet again sabi ni Presidente Duterte hindi na sila binalikan,” sabi ng solon.
Kuwento ni Paras, noong kaarawan ni Tingog party-list Yedda Marie Romualdez, nasabihan si VP Duterte na kung hindi ito tatakbo ay si Go ang itinutulak ng kayang ama na maging running mate ni Marcos.
“Parang… pagkasabi ni Presidente (Duterte) sakin, parang inintriga si VP nila Bongbong at ano (Romualdez) na pag hindi ka tumakbong vice president si Bong Go ang ipapasok na vice president,” sabi ni Paras. “I don’t know what happened after that she decided to run for vice president.”
“Ni-reveal nila na parang PRRD was pushing Bong Go to become vice president. Siguro, I don’t know, I mean baka ayaw ni VP sigurong maging vice president si Bong Go, siya na ang nag-volunteer siguro to become vice president,” dagdag pa nito.
Ayon kay Paras, isinisiwalat niya ang mga impormasyong ito upang pasinungalingan ang pahayag ni Madriaga kaugnay ng plamo umanong term-sharing sa pagitan ni Marcos at VP Duterte.

Share.