DAHIL sa masaklap na ACL tear na sinapit ni Gilas center Kai Sotto sa paglalaro sa kanyang koponang Koshigaya Alphas sa Japan B.League kamakailan, lumakas ang tsansa ni University of the Philippines (UP) Fighting Maroon big man Quentin Millora-Brown na mapabilang sa national pool.

Mismong si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang nagsabing maaaring ikonsidera si Quentin na dagdag puwersa sa ilalim ng Gilas squad kung magiging kumpleto ang mga kaukulang papeles nito na isang requirement sa mga FIBA-sanctioned tournament.

If he is eligible, (Quentin Millora) Brown will certainly be considered,” ayon sa text message ni Brown sa DWAR Abante Radyo Sports Now program na host si Zeus Valdez.

Pasok na sa 2025 FIBA Asia Cup main draw sa Agosto sa Saudi ang Gilas Pilipinas pero mayroon pang ikatlo at huling window sa Asian Qualifiers ang lalaruan ng national squad sa darating na Pebrero.

Babanggain ng nationals ang Taiwan sa Pebrero 20 at isusunod ang New Zealand sa Pebrero 23.

Kapwa road games ang mga asignatura ng Gilas Pilipinas, na winalis ang unang dalawang window ng torneo.

Muling sasandal ang Gilas kina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar, na player ni Cone sa Barangay Ginebra Gin Kings, at malaking tulong sa ilalim si Quentin kung makakapaglaro ito sa Gilas.

Plano ni Cone na magkaroon ng training camp ang Gilas sa Doha, Qatar bago sumabak sa third window.

“There is a chance we will go to Doha before the next window for some friendlies, scheduled workout, but that’s not a hundred percent yet,” ayon pa kay Cone sa hiwalay na report.

Share.