Mahigit P4.56 bilyong halaga ng ilegal na droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Martes, Marso 24, sa Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa PDEA, kabuuang P4,563,517,903.02 halaga ng dangerous drugs ang winasak sa isang industrial facility sa Barangay Aguado.
Winasak ang 1,136.5521 kilograms ng solid illegal drugs at 657.1300 milliliters ng liquid illegal drugs sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis.
Kabilang dito ang 555.2393 kilo ng shabu, 442.9399 kilo ng marijuana, 1.6651 kilo ng ecstasy, 117.3860 kilo ng cocaine, 15.8149 kilo ng ephedrine, at 0.5070 kilo ng ketamine.
Kabilang naman sa liquid substances ang amphetamine, liquid meth, marijuana, toluene, at assorted surrendered expired medicines.
Ayon sa PDEA, nagmula ang mga ilegal na droga sa iba’t ibang anti-drug operation at itinurn-over para sa pagwasak matapos ang mga court order kasunod ng pagresolba sa mga kaso.
Kabilang din umano sa winasak ang 43,000 gramo ng marijuana kush at mahigit 102,000 gramo ng cocaine na nakumpiska sa baybayin ng Palawan mula huling bahagi ng 2025 hanggang unang bahagi ng 2026.
Sinaksihan ang operasyon nina Interior Secretary Jonvic Remulla at iba pang kinatawan ng Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, non-government organizations, media, at barangay officials.

Share.
Exit mobile version