Palalakasin ng P1 bilyong pondo ang Project Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) upang mapaigting ang flood management, hazard monitoring at disaster risk reduction systems ng bansa habang patuloy na nararanasan ang epekto ng climate change.

Ayon kay UP Resilience Institute (UPRI) Executive Director at UP geology professor Mahar Lagmay, malaking tulong ang inilabas na pondo upang higit pang mapalawak ang mga programa ng Project NOAH at maisalin ang siyentipikong kaalaman sa mga konkretong hakbang na makapagliligtas ng buhay.

Umaasa si Lagmay na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan sa UPRI upang magamit ang research at scientific data sa pagbuo ng mas ligtas, matatag at sustainable na mga komunidad.

Ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglaan ng karagdagang P1 bilyon para sa Project NOAH ay inaasahang magpapalakas din sa impact-based forecasting ng proyekto.

Gamit ang historical data, satellite images, rainfall information at iba pang datasets, layunin ng NOAH na mapahusay ang kakayahang matukoy hindi lamang kung saan posibleng magkaroon ng baha, kundi pati ang magiging epekto nito sa mga kalsada, kabahayan, gusali at daloy ng trapiko.

Kasabay nito, sinimulan na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paghahanda para sa mga flood management infrastructure na nakabatay sa siyentipikong datos.

Sa direktiba ng Pangulo na palakasin ang flood resiliency sa buong bansa, ipinag-utos ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pag-update sa mga flood management master plan upang mas maprotektahan ang mga Pilipino laban sa matitinding pagbaha.

Makikipagtulungan ang DPWH sa UPRI Project NOAH, mga local government unit at iba pang partner agencies upang maisama sa mga master plan ang updated hazard maps at iba pang scientific data bago ipatupad ang mga proyekto.

Ayon kay Lagmay, target ng Project NOAH na higit pang mapahusay ang impact-based forecasting upang matukoy isang araw bago mangyari kung saan posibleng magkaroon ng pagbaha at kung paano nito maaapektuhan ang mga komunidad at imprastraktura.

“The P1 billion allocation for UPRI will be measured by better information, transparency, evidence-based governance and decision-making, effective flood management, and reduced disaster risks and losses,” ani Lagmay.

Sa kabuuang pondo, P935 milyon ang gagamitin para sa mga serbisyong pananaliksik, habang P65 milyon naman ang para sa pangkalahatang pamamahala at pangangasiwa sa pagpapatupad ng NOAH.

Kasama ang pondong ito sa nakalaang budget ng UP System sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Ayon kay Lagmay, gagamitin ang budget ng UPRI para sa mas detalyadong pagmamapa ng mga pangunahing ilog at lugar na maaaring bahain, pagsusuri ng mga panganib, pagpaplano ng paggamit ng lupa, at mga programa ng Oplan Kontra Baha. Makikipagtulungan din ang UPRI sa DPWH, Metropolitan Manila Development Authority, mga lokal na pamahalaan, at mga pribadong kumpanya para dito.

Gagamitin din ang pondo para sa LiDAR drone surveys na ginagamit sa mas detalyadong pagmamapa ng lupa, mga programa para sa pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng mga state university at college, pagmamapa ng mga katutubong puno, pagsusuri sa pagguho ng lupa dahil sa sediment, pagtukoy sa mga nakatagong daanan ng tubig, at paggamit ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan. Gagamitin din ang artificial intelligence (AI) at data analytics para mas mapabuti ang pamamahala sa panganib ng mga sakuna.

Ayon kay UP President Angelo Jimenez, ang pondong ibinigay ng administrasyong Marcos para sa UPRI ay isang “investment in the power of research and innovation to serve the nation.”

“We do research because knowledge matters, and knowledge matters most when it can help us make better decisions, solve real problems, and improve the lives of our people,” giit ni Jimenez.

Share.
Exit mobile version