Ipinanukala sa Kamara ang pagtaas ng sahod ng mga doktor sa mga pampublikong ospital at pagbabawas ng oras ng trabaho ng mga nurse upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa serbisyo.
Sa ilalim ng House Bill 3520 na inakda ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas, itataas sa P91,306 ang entry-level salary ng government doctors mula sa kasalukuyang P73,303, o dagdag na P18,003 kada buwan.
Ayon sa mambabatas, hindi sapat ang kasalukuyang sahod ng mga doktor kung ikukumpara sa bigat ng kanilang trabaho at sa mga panganib na kinahaharap, lalo na tuwing may public health emergencies gaya ng pandemya.
Layunin din ng panukala na pigilan ang pag-alis ng mga doktor patungo sa ibang bansa kung saan mas mataas ang kanilang kinikita.
“Kapag wasto ang pagpapasahod natin sa ating mga doktor, mas maeenganyo silang magtrabaho dito sa bansa. We will also ensure that we attract the best and most skilled talent to our public hospitals,” ayon kay Vargas.
Maliban dito,ipinakiusap din ng mambabatas sa liderato ng Kamara na pagtibayin ang HB 3398, o “Care for Nurses’ Welfare Act” na nagtatakda ng mahigpit na limitasyon sa oras ng pagtatrabaho ng mga nurse sa mga government hospital.
Ayon sa mambabatas maraming hospital na pinagtatrabaho ang mga nurse ng higit sa 8 oras kada raw kaya marami sa mga ito ang nabu-burnout kaya madalas na apektado ang kanilang trabaho.
“A rested nurse is an attentive nurse. Kapag ang mga nurse natin ay nabigyan ng sapat na oras na makapahinga at makasama ang kanilang pamilya, pagbalik nila sa trabaho ay mas matututukan din nila ang mga pangangailangan ng mga pasyente at maiiwasan ang mga pagkakamali dala ng pagod,” paliwanag ni Vargas.
Dahil dito, kailangan aniyang maipasa ang dalawang panukalang batas na ito sa lalong madaling panahon dahil mahalaga na maalagaan din ang mga doctor at nurse sa mga government hospitals.
“A healthy citizenry is the foundation of a healthy country. These bills are a promise to our frontliners that we will match their dedication with just laws,” ayon pa sa kongresista.

Share.
Exit mobile version