PINANGUNAHAN ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagbubukas ng Oktoberfest 2026 bilang suporta sa mga lokal na negosyanteng naglalako ng kani-kanilang produkto Miyerkules ng umaga sa C-Cube Complex, Caloocan City Hall – South.
Ayon kay Mayor Along, bukas ang Oktoberfest araw-araw hanggang Nobyembre 6, 2026, mula 10:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi na magtatampok ng mga sari-saring pagkain, inumin at iba pang mga produkto, pati na ng tugtugan at kasiyahan mula sa mga banda at stand-up comedians, na magsisimula naman ng alas-6:00 ng gabi.
Maaari rin mapakinabangan ang mga libreng serbisyo mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod tulad ng dog grooming na magsisimula ng 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon at libreng masahe na magsisimula naman ng 2:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi.
Malugod namang inaanyayahan ni Mayor Malapitan ang lahat na magpunta sa Oktoberfest upang matikman ang mga masasarap na pagkain, makapagpa-masahe at mapagupitan ng libre ang kanilang alagang aso.
“Layunin po natin na tulungan ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) sa Caloocan, gayundin ang mga kababayan nating nagtapos sa Community-Assisted Rehabilitation and Research Outpatient Treatment and Training System (CARROTS) at binigyan ng ating lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal upang makapagsimula ng sariling kabuhayan,” pahayag ni Mayor Along.
“Sa pamamagitan ng ating mga bazaar, tulad ng Oktoberfest, nabibigyan ang mga negosyante ng pagkakataon na maipakilala ang kanilang mga produkto,” dagdag pa ng alkalde.
Ang Oktoberfest ay inorganisa ng Caloocan City Economic and Investment Promotions Office (CEIPO) sa tulong ng Public Employment Service Department (PESD), Caloocan City Anti-Drug Abuse Office (CADAO), at Caloocan Persons with Disability Affairs Office (PDAO). (Edison de Jesus)
Photo caption : Dinagsa ng mga estudyante at manggagawa ang Oktoberfest habang sa kanang larawan makikitang bumibili rin ng pagkain si Mayor Along Malapitan.(larawan mula sa Caloocan PIO)
