MAPAPABILIS na ang biyahe ng mga motoristang magmumula sa North at Central Luzon, pati na sa kanlurang bahagi ng Metro Manila, matapos i-anunsiyo ng NLEX Corporation ang nalalapit na pagtatapos ng NLEX-C5 Northlink Mindanao Avenue hanggang Quirino Highway.

Ayon kay NLEX President and General Manager Luis Reñon, nasa 96% na ang konstruksiyon at binibilisan na nila ito upang makapaghatid ng imprastrakturang makakatulong sa motorista na makatipid sa oras ng biyahe, pati na sa mataas na presyo ng petrolyo.

Sa ngayon ay nakatuon na ang konstruksiyon sa pagkakabit ng konkretong barriers at mga dugtungan para sa pagpapalawak sa kahabaan ng pangunahing linya, pagkumpleto sa kanluran at silangang on-and-off ramps ng Quirino Highway, at pagsasagawa ng natitirang trabahong sibil na kailangan upang maihanda ang bagong segment para sa operasyon ng expressway.

Sa oras na makumpleto, makakapagsilbi ang bagong expressway ng tinatayang 11,000 na motoristang magmumula sa Quirino Highway patungong NLEX sa pamamagitan ng NLEX-C-5 Northlink na may koneksiyon din sa NLEX Connector patungong University Belt sa Maynila at Makati o pabalik patungo naman ng Central at North Luzon.

Sinabi pa ni Reñon na kinabitan nila ang elevated expressway ng mga CCTV, speed management systems. makabagong RFID readers, neology antennas para sa toll collection, maliliwanag ng ilaw, traffic signs, at iba pang mga kinakailangang gamit upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Ang NLEX Corporation ay subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), na siyang sangay sa pamamahala ng toll road ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC). (Edison de Jesus)

Share.
Exit mobile version