Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa may-ari at rider ng motorsiklong pumasok sa car-free zone at nakabangga sa dalawang runner sa Ayala Avenue, Makati City nitong Linggo, Agosto 30.

Pinahaharap ang rehistradong may-ari at itinalagang rider sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division sa Setyembre 8.

Pinagsusumite rin ang mga ito ng kanilang paliwanag, kasama ang mga kaukulang dokumentong maaaring magsilbing suporta sa kanilang panig.

Ayon sa LTO, maaaring maharap ang rider sa mga paglabag na reckless driving at disregarding traffic signs, gayundin sa posibleng suspensyon o pagbawi ng kanyang lisensya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Samantala, isinailalim sa alarm status ang sangkot na motorsiklo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Isasailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng rider at inatasang isuko ito sa LTO. 

 

===

Share.
Exit mobile version