Nasawi ang isang magsasakang Maguindanaon sa mga tama ng bala sanhi ng ambush sa Barangay Dilembong sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur nitong Linggo, August 23.
Kinilala ang biktima na si Ebrahim Kalotig Timbao, 45-anyos.
Sa ulat nitong Lunes ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, sakay ng kanyang motorsiklong Honda XRM 125 si Timbao ng ma-ambush sa Barangay Dilembong ng mga armadong kalalakihang naka-abang sa kanya.
Agad na namatay sa mga tama ng bala si Timbao, residente ng Barangay Datu Bakal sa Shariff Saydona Mustapha.
Mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush kay Timbao, ayon sa mga municipal at barangay officials at mga tropa ng Shariff Saydona Mustapha na nag-responde sa insidente.
Nagtutulungan ang mga intelligence units ng Maguindanao del Sur police force, ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng 601st Infantry Brigade ng Philippine Army sa pagkilala sa mga salarin na sangkot sa krimen upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
