Mula sa isang buwan na libreng toll fee sa mga pangunahing expressway sa mga truck na nagdadala ng pagkain, pinag-aaralan ng Malacañang na palawigin pa ito hangga’t patuloy na nararanasan ang krisis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, inaaral na anila ang posibleng extension batay sa mga umiiral na kondisyon.
Ang isang buwang toll-free privilege sa pangunahing expressways ay epektibo nitong Lunes upang mas mabilis ang pag-transport ng mga pagkain at perishable goods, gayundin sa oil tankers na exempted sa truck ban sa Metro Manila mula 6:00 hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
“Maaaring ma-extend ‘yan batay sa ating pag-aaral sa mga kondisyong umiiral,” ani Recto.
Hinimok ng Malacañang ang mga pangunahing ahensiya at lokal na pamahalaan na himukin ang truckers na magkakarga ng mga gulay na samantalahin ang libre at mas mababang toll at port fees.
Si Secretary Recto ay kasama sa mga ipinatawag na pulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang ngayong Martes upang talakayin ang mga hakbang at mga paraan upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mamamayan.

Share.