Patay ang isang lalaki nang pagtatagain habang natutulog sa duyan sa Barangay Sto. Domingo, Jones, Isabela, 12:10 ng madaling araw noong Martes, Agosto 18.
Ayon kay Police Major Mervin Delos Santos, hepe ng Jones Police Station, tinamaan ng itak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, partikular sa ulo at likod, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Kaagad namang tumakas ang suspek ngunit kalaunan ay naaresto rin sa isinagawang hot pursuit operation.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dumayo umano ang biktima sa Barangay Sto. Domingo noong Lunes, Agosto 17, at nakipag-inuman sa suspek at iba pa nilang kakilala bandang alas-5 ng hapon.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at suspek habang nag-iinuman matapos singilin ng suspek ang biktima sa utang nitong P900 na tatlong taon na umanong hindi nababayaran.
Sinabi umano ng biktima na babayaran niya ang utang at isinumbat pa nitong isasampal sa mukha ng suspek ang bayad sa harap ng kanilang mga kasama.
Matapos ang inuman, umalis ang biktima at nagtungo sa bahay ng isang kakilala kung saan nakitulog ito sa duyan sa likuran ng bahay.
Pasado 12:10 ng madaling araw nang magising umano ang may-ari ng bahay dahil sa tahol ng mga aso at ingay na nagmumula sa labas.
Nang tingnan niya ang pinagmumulan ng ingay, nakita niya ang biktima na wala nang buhay habang tumatakas naman ang suspek.
Nahaharap sa reklamong murder ang suspek.
Gayunman, ayon sa pulisya, pansamantala itong nakalaya dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya na magdidiin sa kanya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Share.