Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ng korte sa Japan ang isang 35-anyos na Filipino technical intern matapos mapatunayang pumatay sa dalawa niyang Cambodian roommates noong 2022.
Ayon sa ulat, ipinataw ng Chiba District Court ang life imprisonment kay Bulan Roel Bulan, alinsunod sa hiling ng mga prosecutor.
Ayon kay Presiding Judge Satoshi Miyamoto, nakaranas man umano ng stress at mababang self-esteem si Bulan dahil sa kabiguang makamit ang kanyang employment plans at pagkakaiba ng sahod nila ng mga Cambodian intern, hindi ito sapat na dahilan para gawin niya ang krimen.
Sinabi rin ng hukom na mabuti ang pakikitungo ng mga biktima kay Bulan at wala silang ginawang masama sa kanya.
Naganap ang insidente sa isang apartment sa Tomisato, Chiba Prefecture, malapit sa Tokyo.
Sa report, ala-1:30 ng madaling-araw noong Mayo 26, 2022 nang pagsasaksakin umano ni Bulan sa dibdib gamit ang kitchen knife ang mga Cambodian national na sina Mong Samet, 25, at Chhat Chhit, 20.
Matapos ang insidente, sinaktan din umano ni Bulan ang kanyang sarili.
Iginiit ng depensa na dapat siyang mapawalang-sala dahil mayroon umano siyang schizophrenia mula pa nang dumating siya sa Japan at wala siya sa tamang pag-iisip nang mangyari ang krimen.
Sinabi naman ng korte na may pananagutan si Bulan sa kanyang ginawa dahil nauunawaan umano niya ang kanyang paligid at ang kanyang mga kilos.
Ayon pa sa hukom, makasarili ang kanyang naging motibo na idamay ang mga biktima sa kanyang pagpapakamatay.

Share.
Exit mobile version